Isang Pagtatangka
Nitong nakaraang Mayo ay nagsama-sama ang mga anak ng ilang manggagawa sa U.P. Diliman-Solair para mapagusapan ang tangkang pagbuo ng isang organisasyong maka-manggagawa at sumasandal sa simbahang katolika para sa mga kabataan. Nagmula ang mga kabataan sa iba’t ibang unibersidad na kanilang pinapasukan, tulad ng Lyceum University of the Philippines (cavite), Polytechnic University of the Philippines (sta. mesa), Ateneo De Manila, at University of the Philippines-Diliman at ilang Kabataan mula sa Antipolo. Naging isang malaking hamon ito para sa mga kabataan dahil kailangan talaga maglaan ng oras at pagod sa bagay na ito, gayunpaman tinanggap ng mga kabataan ang hamon na maitayo ang organisasyon na ito na tinawag na LABOREM YOUTH na mula na rin sa pangalan ng LABOREM.
LAYUNIN
Naniniwala ang LABOREM YOUTH na pagkatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay magiging parte na rin ng “working community” ang mga nagsipagtapos, kahit pa, ang ilang mag-aaral ay nagtatrabaho na para may maipambayad sa matrikula sa eskwela na tinatawag na working student ang iba naman ay hindi na nakakapagkolehiyo at nagtatrabaho na lang. naniniwala ang LABOREM YOUTH na ang mga kabataan ang susunod na papalit sa mga manggagawa ng kasalukuyan kaya’t dapat lamang na matutunan ng mga kabataan ang Labor Rights para hindi sila mapabilang sa milyong milyong manggagawa na napagsasamantalahan na lingid sa kanilang kaalaman. Naniniwala din ang laborem youth sa nararapat lang na mabigyan ng pantay na halaga ang lahat ng trabaho at alisin ang salitang “lang” sa bibig ng mga kabataan kasunod ng trabaho ng kanilang mga magulang sa tuwing tatanungin sila.
Alam naman ng lahat na ang mga manggagawa ang tinatawag na Co-creator of GOD, sapagkat sila ang nagpoproseso ng mga natural resources para magamit. Bilang isang kabataan, mahalagang maintindihan natin na ang mga paghihirap ng mga magulang nating manggagawa ang naglalagay ng pagkain sa mesa, dahilan kung bakit tayo patuloy na nakakapag-aral, ang mga nagalaga at nagaruga sa atin mula nuong tayo ay bata pa at walang kalaban laban sa mundo, sila ang nagtitiis na magtrabaho ng maghapon at kayang tiisin ang gutom, ika nga “di baleng wala ako, basta meron ang pamilya ko.” Ang mga manggagawang ito ay hindi hinihingi ang tulong natin sa ngayon dahil alam nilang hindi pa tayo handa, yun ang dahilan kung bakit nila tayo pinag-aaral, gayunpaman, ang ilan sa pwede nating gawin para sa kanila ay pakinggan sila at magpakita ng pagsuporta, ikarangal sa madla at wag na wag ikahiya. Sila, na nagtatrabaho ng humigit kumulang labing anim na oras sa buong maghapon at kulang pa rin ang sahod, sila na gagawin ang lahat may maihain lang sa mesa ng pamilya, sila na sa ngalan ng pagiging marangal ng sarili at trabaho ay hindi nagnakaw sa publiko, sila ang dapat nating ikarangal, hindi nakakahiya ang maging manggagawa.
sabi nga sa kanta “Hey moon, Please forget to fall down, Drawn to the ones who never yawn.”
Sa mga simpleng salitang ito, nabuo ang kongklusyon ko tungkol sa tunay na kalagayan ng manggagawa sa bansa, takot na silang lumubog ang buwan at sumilay ang umaga,sapagkat alam nila na habang papalapit ang umaga, mapipilitan silang tumigil sa paggawa at ipagpatuloy na lang sa ibang araw, takot sila, sapagkat ang pagtigil sa paggawa ay pagtigil ng pagpatak ng barya sa kanilang bulsa at uuwi sila sa kanilang mga bahay na may kakarampot na dala, ang iba buti na kung may isasaing na kanin at didildilan ng asin na pagkain, sila na halos hindi na matulog sa kakatrabaho, aalis ng madaling araw at uuwi ng gabing gabi, halos hindi na nga magkakabot abot ang pamilya sa sarili nilang bahay, ito ang pwede nating gawin, para sa mga hindi na halos nagpapahinga, sa mga pinipilit kayaning mawalan para magkaroon ka. kaya’t bilang kabataan ito ang sinimulan naming gawin para sa kanila, imbes na magsayang kami ng oras sa paggawa ng wala, sa pagrereklamo at hindi bumilang sa gumagawa ng solusyon,nagsama-sama ang mga anak ng manggagawa at mga iskolar ng bayan na ang matrikula ay kinukuha mula sa buwis ng mga manggagawa, bumuo kami ng isang maka manggagawang organisasyon para sa mga gustong ipakita ang pagsuporta sa kanila, kasabay nito ay maintindihan, mula sa kanilang karanasan na sila ang pangunahing biktima at hindi na dapat natin ito maranasan. Mahalagang malaman natin kung ano ang tamang gagawin kapag tayo na ang pumalit sa kanila, hindi dapat magpaloko, at kung ikaw ang nasa taas ay wag manloko, na ang pinaka mahalaga sa trabaho ay ang mabuting koneksyon ng employer at employee. Sa organisasyong ito ay mapagiisa ang mga kabataan, sa iisang layunin, makahanap ng mga bagong kaibigan, magtulungan sa akademya man o sa personal na problema, dito makakahanap ang mga kabataan ng paniniwalaan na magagamit sa hinaharap at masolusyonan ang may mga problema sa pakikitungo sa kapwa.
ANG SIMULA
Inasahaan naming lahat na hindi magiging madali ang pagbuo ng organisasyong ito sapagkat karamihan sa amin ay wala rin namang alam sa mga dapat gawin, bagamat may tumutulong sa amin, alam naming gabay lamang sila hanggang sa kaya na namin mag-isa. Para sa isang hamak na mag-aaral, mahirap nga naman na pagsabay sabayin ang pag-aaral at ang pagbuo ng organisasyon dahil mabusisi ito at nangangailangan ng sapat na panahon, pero dahil mga anak kami ng manggagawa at naiintindihan namin ang kanilang kalagayan ay pinipilit naming maglaan ng sapat na oras para dito at sa pag-aaral, dahil para sa amin hindi ito isang bagay na pwedeng pine petiks-petiks lang, ito ay aming obligasyon para sa kanila. Punong puno ng paghamon sa mga kabataan ang pagbuo sa organisasyong ito sapagkat lahat ay nakaabang kung kakayanin ba namin na patagalin ito, kung ano ang kahihinatnan, mapapabuti ba o mapapasama, kung tama bang buuin ito o hindi na lang, maraming nakaabang ng mangyayari, sa totoo lang, kami man, hindi alam ang magaganap sa kinabukasan, natatakot din kami, nangangatog ang tuhod sa halong kaba at sa di maipaliwanag na tuwa at kaginhawaan na meron kaming magagawa para sa kanila. Sa wari ba naming mga kabataan ay nakatingin sa amin ang mundo at hinihintay nilang kami’y madapa at magkamali para makasingit ang mga galing-galingang tao at ipamukha sa amin ang aming kasalanan at bumalik na lang kami sa pagiging walang kibo at magpaapi na lang muli sa mga mas matataas na tao, pero sa tingin ko, ang mga kabataan ngayon, habang pinipilit mo silang tumigil ay lalo silang nagpupursigi, habang tinatakpan mo ang kanilang bibig ay lalo silang sumisigaw, kaya’t habang hinihintay nila kaming magkamali ay tiyak na magagawa naming pagbutihin hanggang sa wala na silang masabing masama sa amin.
koi-
No comments:
Post a Comment